“Ang Sumpa Ng Nuno Sa Punso”
Sa probinsya, kalimitan bago magtayo ng bahay ang mga tao doon, gawi na nilang ipapagamot muna nila at ipapasuri sa mga taong marunong kumilatis kung may iba pa bang nilalang na nakatira sa lupang titirikan ng kanilang bahay. Kadalasan nilang tinatawag ang mga taong may kakayahang makita at kausapin ang mga hindi natin kauri na nilalang sa lupa.
Taong 1999, third year high school pa lang si Jill noon at kakatapos lang ng paggawa ang bahay nila na malapit sa balon. Si Jill ang panganay sa tatlong magkakapatid, ‘pag wala ang mga magulang nila, obliga lahat ni Jill ang gawaing bahay lalo na ang pangangalaga sa bunsong kapatid niya.
Isang hapon, kakauwi lang niya galing sa eskuwela ay kaagad itong nagluto para sa hapunan nila, malimit siya sa balon kumukuha ng tubig na panggamit sa panghugas. Medyo madilim na noon nang mag-igib siya at tahimik ang buong paligid ng bahay nila. Nakagawian na kasi niya na diligan muna ang mga alaga niyang bulaklak na rosas bago tuluyang pumasok sa loob ng bahay, nang sa pagkakataong ‘yon ay bigla na lang siyang nagulat nang may mahagilap ang kanyang mga mata na isang taong maliit na nasa ilalim ng bahay nila. ‘Yong bahay kasi nila ay yari sa kawayan na may apat na haligi at sa ilalim ay puweding mapaglagyan o gawing kulungan ng mga aso, manok, o kaya itik pero dahil kakatayo pa lang ng bahay nila kaya malinis pa ang ilalim na bahagi nito. Sa time na ‘yon, kinakabahan si Jill baka nagmamalikmata lang siya. Titig na titig siya sa maliit na tao na nakita niya sa ilalim ng kanilang bahay at nang kumurap siya’y biglang nawala ito sa paningin niya. Ang tagpong ‘yon ay hindi binigyang pansin ni Jill dahil baka nagmamalikmata nga lang siya.
Nagdaan ang ilang mga araw, mga alas 7:00 p.m. ay nasa bahay na ang mga kapatid ni Jill. Masyadong maingay sa loob ng bahay nila, bagay na ‘di nagustuhan ng isang nilalang na minsang nakita ni Jill. Nasa bintana si Jill noon nang may napansin siyang parang maliit na bahay sa silong nila, bumaba siya upang tingnan kung ano ‘yon pero laking gulat na lang niya na nakita na naman niya ulit ang maliit na tao. Sa pagkakataong ‘yon, kinikilabutan na si Jill ‘di tulad ng una niyang pagkakita sa maliit na tao na ‘yon. Gustong tumakbo ni Jill pero parang may pumipigil sa kanyang mga paa at hindi niya ito maihakbang. Hindi niya malaman kung ano ang kanyang gagawin at lalo pa siyang natakot nang lumapit sa kanya ang taong maliit na kung tawagin ay “Nuno”. Bukas ang isipan ni Jill noon pero natutulala siya nang siya’y kausapin ng “Nuno”. Isa lang ang sadya ng Nuno kay Jill noon, sabi ng Nuno na masyado ng nakaabala ang pamilya nina Jill sa tahimik na pamumuhay nila. Hindi niya masyadong maintindihan ang sinasabi ng Nuno pero nang ituro ng Nuno at ipinakita niya ang kanyang tirahan ang medyo maliit na bundok na lupa saka na lang naliwanagan ang isip ni Jill na hindi lang pala sila ang nakitira sa lugar na ‘yon. Kung kaya nagpakita ito sa kanya ay upang ipaalam sa kanila na nakakaabala ang nilikha nilang ingay. Naguguluhan si Jill pero nagkaroon pa rin siya ng lakas ng loob para kausapin ang Nuno, tinanong niya ito kung bakit doon pa sila nagtayo ng tahanan sa bahay nila pero ang sabi ng Nuno.
“Kayo ang may kasalanan ng lahat dahil sinakop ninyo pati ang tirahan namin.” Wika ng Nuno. “Hindi ako makakapayag na mapaalis kami sa lugar na ‘to, malaki na ang naging bahagi sa buhay namin at ng buong pamilya ko ang tahanang ito, at higit sa lahat napamahal na ito sa akin. Kung gusto n’yong manatili rito ay iwasan n’yo ang manggulo at mag-iingay dahil nakakaistorbo na kayo ng kapitbahay!” ang sabi ng Nuno ng punso na tila galit na ang tuno ng boses nito.
“P-Pero dito po kami nakatira, mahirap lang po kami at katunayan po ay hindi po sa amin ang lupang tinitirikan ng bahay namin.” Ani Jill na medyo nalungkot ito.
“Wala akong pakialam! Tandaan mo, isusumpa kong mamalasin ang buong pamilya mo kung hindi mo maipangakong iwasan ang mga bagay na nakakaabala sa tahimik naming pamumuhay!” galit na sabi ng Nuno.
Sa sinabi ng Nuno ay lalong natakot si Jill. Gusto sana niyang magtanong sa Nuno kung ano ang maari niyang gawin para sa kabutihan ng kapwa tahanan nila, nang sa isang iglap ay biglang naglaho ang Nuno. Kinukurakurap ni Jill ang kanyang mga mata baka sakali ay makikita pa niya ito ulit pero laking panlulumo na lang niya na wala na ito. At doon pa niya napansin ang isang maliit na medyo bundok na lupa, ‘yon pala ang tirahan ng Nuno ang punso. Napabuntunghininga na lang siya at palaisipan niya ang sinabi ng Nuno. Pumasok na sa loob ng bahay si Jill na matamlay na matamlay at hindi niya alam kung ano ang maaaring kahitnatnan ng lahat.
Lumipas ang ilang araw at hindi na nagpakita ulit kay Jill ang Nuno pero mahigpit na binabantayan ni Jill ang mga kapatid nito para ‘di makalikha ng ingay. Pero nag-iisa lang kasi si Jill ‘yong Papa niya ay nasa malayo nagtatrabaho at ang mama niya naman ay hatinggabi na ang uwi nito galing sa trabaho. Dalawa ang kapatid niyang maliit at mga makulit pero pwede na itong maiwanan sa bahay nila. Bago siya umalis ay inihabilin niya ang kanyang mga kapatid sa Auntie niya na kapitbahay lang din nila at may sampung metro ang pagitan ng bahay mula sa kanila. Isang hapon galing siya sa school nang maabutan niyang nagkakasugat ang kapatid niyang pangalawa sa bunso, maliit lang ang sugat na ‘yon pero laking pagtataka niya nang lumaki ito at lumala. Nang sumunod na araw namamaga na ito hanggang ‘di na makalakad. Nang sumunod na araw ulit ang bunso na naman niyang kapatid ang naabutan niyang inapoy sa lagnat. Nalilito na si Jill ‘di na niya alam kung ano ang dapat niyang gawin. Sa oras na ‘yon na nagkakasakit pareho ang mga kapatid niya at wala pareho ang kaniyang ama’t ina, biglang pumasok sa isip niya ang sinabi ng Nuno. Nagmamadaling lumabas si Jill at pinuntahan niya ang punso, hindi man tinawag ni Jill ang Nuno pero binabantayan lang niya itong lumabas. Nakaupo siya sa may gilid ng punso at nagbabantay nang ‘di niya namalayang abutin siya ng antok at nakatulog hanggang napanaginipan niya ang Nuno na nagpakita ulit sa kanya pero sa time na ‘yon sa panaginip na niya ito nakakausap. Sa panaginip ni Jill, iyak siya ng iyak habang nagmamakaawa sa Nuno na pagalingin niya ang kanyang mga kapatid dahil alam na ni Jill na ang Nuno ang may gawa ng lahat. Pero nagmamatigas ang Nuno dahil isa din ang anak ng Nuno na biktima sa kalupitan ng kanyang mga kapatid. Sa papamagitan ng panaginip, ipinakita ng Nuno ang malubhang kalagayan ng kanyang anak dahil noong wala pa sa bahay si Jill ay nagkamali palang pasukin ng mga kapatid niya ang silong nila at naapakan ang bahay ng Nuno na siyang dahilan sa pagkakasakit ng anak ng Nuno. Sa mga oras na ‘yon, nagmamakaawa si Jill.
“Maawa po kayo sa mga kapatid ko, kung anuman ang pagkakasala nila’y taus puso ko pong hingiin ang inyong pagpapatawad. Hindi po nila alam ang kanilang ginawa maawa po kayo!” Ani Jill na puno ng pagmamakaawa. “Kung anuman ang naging kasalanan nila ay handa ko pong isakripisyo ang sarili’t buhay ko alang-alang sa mga kapatid ko!” dugtong pa ni Jill habang umiiyak. Sa mga narinig ng Nuno mula kay Jill ay biglang gumuhit ang awa sa puso ng Amang Nuno. Naintindihan rin niya ang kalagayan ni Jill, palaging wala kasi ang mga magulang niya para maalagaan ng mabuti ang kanyang mga kapatid kaya masakit para sa kanya ang makitang nahihirapan ang kanyang mga kapatid..
Mahirap lang sina Jill kaya hindi madali sa kanila ang lumipat ng tirahan.. Sa pagkakataong ‘yon, nakita na lang ni Jill na napaluha na ang Amang Nuno sa mga sinasabi niya. Naisip din ng Amang Nuno na isa rin siyang Ama at kahanga-hanga ang isang anak na tulad ni Jill para magmamalasakit para sa kanyang mga kapatid kahit buhay pa nito ang kapalit. Bago tuluyang maglaho sa panaginip ni Jill ang Amang Nuno ay may habilin pa ito sa kanya.
“Isa kang kahanga-hanga at napakabuting anak kaya narapat lamang na ang isang tulad mo na may busilak na puso ay gantimpalaan.” Anang Amang Nuno, ‘yon lang ang huling sinabi ng Amang Nuno kay Jill at tuluyan na itong naglaho, nakita rin niya na masaya itong nagpapaalam sa kanya. Biglang nagising si Jill at natagpuan na lang niya ang sarili sa loob ng sala nila. Sa mga oras na ‘yon medyo maganda ang pakiramdam niya at ‘di na siya dinalaw ng antok. Kinabukasan, Linggo, maaga ang gising niya at laking gulat na lang niya na magaling na ang kanyang mga kapatid na may lagnat at ang sugat ng kapatid niya ay medyo magaling na. Abot hanggang langit ang pasasalamat ni Jill. Dali-dali siyang lumabas at pumunta sa may silong nila pero laki na lang ang kanyang panlulumo niya, panas na ang bundok na lupa, ang punso, nilisan na ng Amang Nuno ang punso para tuluyan ng maging masaya si Jill, gusto sana niyang magpasalamat ng lubusan sa butihing Amang Nuno pero wala na ito.. Noon niya napagtanto na ang mga tulad nila ay may damdamin pala at puso na marunong umunawa sa isang normal na tao. Masayang-masaya si Jill sa Linggong ‘yon at sabay-sabay pa silang magkakapatid na nagsimba. Sa ngayon, nasa probinsya na si Jill at masaya rin siya kasama sa kanyang pamilya’t isang anak.
Wakas!
No comments:
Post a Comment